OFW Benefit: GSIS Expanded Bahay Ko Program (EBKP)
Mar 11, 2006
Pinapayagan na ngayon ng Government Service Insurance System ang mga overseas Filipino workers (OFWs) upang magsilbing co-maker para sa programang pabahay sa mga GSIS members.
Ibig sabihin nito, maaari pang palakihin ng isang GSIS member ang halaga ng pwede nyang utangin para sa pagpapatayo ng bahay kung mayroon itong kamag-anak na OFW na papayag magsilbing co-maker sa kanyang utang.
Ang bagong patakarang ito ay nakapaloob sa Expanded Bahay Ko Program (EBKP) na ipinatupad sa pamumuno ni GSIS President and General Manager Winston F. Garcia.
Ani Garcia, layon nito na paluwagin ang sistema ng housing loans sa GSIS at nang sa gayon ay mas maraming GSIS members ang makinabang dito.
Marami kasing mga miyembro ng GSIS ang humihiling na magkaroon sila ng pagkakataong mapakinabangan nang husto ang programang pabahay ng GSIS.
Bukod pa dito, pinapayagan na din ng GSIS na makautang ang miyembro nito upang makapagpakumpuni ng bahay o di kaya'y refinancing ng bahay para mapakinabangan ang mababang interes sa GSIS.
Depende kasi sa laki ng utang, ang interes sa programang pabahay ng GSIS ay tumatakbo lamang mula walo hanggang 12 porsiyento kada taon.
Maaaring kumuha ng housing loan ang sinumang GSIS member, lalo na kung permanente na itong nanunungkulan sa gobyerno. Ang mga contractual, temporary, at coterminous na empleyado ay kailangan may limang taon na tuloy-tuloy na kontribusyon sa GSIS para makautang.
Mas mapapabilis din ang pagproseso ng housing loan kung dadalhin ng aplikante ang kumpleto nitong papeles.
Kabilang na dito ang dalawang application forms, dalawang passport sized na litrato ng principal at co-maker, certificate of employment kung saan nakabanggit din ang kita ng empleyado, orihinal na payslips para sa huling dalawang buwan bago sa petsa ng pag-utang, at dalawang kopya ng titulo mula sa Registry of Deeds.
Source: PRESS RELEASE
Ref: Aresti Tanglao